May mga ilang mga tao sa senado na gustong magpasikat kaya naman isinusulong nila ang pag-tanggal ng pagturo ng wikang Pilipino sa loob ng silid aralan.
Ayon sakanila, ang wikang Pilipino ay unti-unti nang kumukupas at hindi na daw ito praktikal na ituro pa sa mga estudyante, dahil ang pakay lang din naman daw ng mga kabataan ngayon ay makaalis ng bansa pagkatapos nila sa kolehiyo.
Ayon sakanila, mismong sa bahay ng estudyante ay Taglish na ang salita ng mga ito kapag nakikipagusap sila sa kanilang mga magulang. Kahit daw ang mga mapapanood sa telebisyon ayon kadalasang nasa wikang Ingles na.
Ipinaglalaban nila na ang wikang Pilipino ay natural ng matututunan ng bata habang sila ay nakikipagusap sa kanilang mga kaklase. Pagkatapos ng hayskul, mas dumadalang na ang mga pagkakataon na kailangan magsalita ng bata ng sarili nitong wika, sabi ng isang pasikat na senador.
Sa tingin ko mali iyon.
Isa akong estudyante na hindi mahilig magsalit ng Tagalog, ngunit naiintindihan ko ang kahalagahan nito, di lang sa pang araw-araw na komunikasyon dito sa Pilipinas, kundi sa pagpapahalaga din ng ating pagkatao, bilang isang Pinoy.
Masyado ng laganap ang impluwensya ng Western Culture sa Asya, lalong-lalo na sa ating inang bayan. Hindi ba dapat na mas mabuting igihan pa na ituro ng wasto ang ating sariling wika?
Bakit kailangan ba na ibaon ito sa limot? Ang wika ay hindi parang damit na nalalaos o kumukupas, ang wika ay kasing tiyak ng pagdaloy ng ating dugo sa ating ugat, ang wika ay hindi kayang ipasantabi lamang.
Kailangan ba talaga na kami pang mga mas nakakabata ang magpaunawa sa mga matatanda?
Bakit ba atat na atat kayong ibasura ang ating dignidad at kultura?
Kaya nagpabaril si Rizal sa Luneta dahil buo ang kanyang paniniwala sa ating inang bayan at lahat ng kasama nito.
Napakaraming mga bagay sa sistema ng Pilipinas ang dapat baguhin o mas pagandahin, wag ninyong pake alaman ang Wikang Pilipino.