Napansin ko lang kasi, sa panahon ngayon, lalo na kapag bumibisita ako sa Facebook ay maraming memes na ginagawang katatawanan ang mga bisaya. Hindi ito yung memes na joke na nasa salitang bisaya, ito ay mismong mga post na tila bang inaatake at pinagtatawanan ang mga bisaya.
Kapag bisaya, automatic ang tingin nila ay promdi. Bakit ganon tayo? Napakabilis natin maghanap (o magimbento) ng mali sa mga nakikita natin? Pinagtatawanan ang bisaya, isang parte ng marami pang mga wikang Filipino at ipinagdiriwang ang mga salita ng mga dayuhan.
Ang nakikita ko sa paligid, kapag magaling ka mag-English, sikat ka. Pero natunugan nila sa pananalita mo na bisaya ka, walang katapusang pang-aasar ang iyong matatamo.
Buti nalang sa panahon ngayon ay namumulat na ang mga kabataan. Na dapat maging proud tayo sa ating sariling kultura. Napakarmaming bagay sa pagiging Filipino ang dapat natin ipagmalaki sa mundo, at isa dito ang ating napakaraming wika.
Hindi dahil hindi natin naiintindihan ay dapat na kagad natin pagtawanan. Kung gusto natin na respetohin tayo ng ating kapwa tao ay dapat matuto din tayong magpakita ng respeto sakanila. Ganoon lang kasimple yun.
For the record, hindi po ako bisaya, laking Zambales po ako, pero marami akong mga kakilalang bisaya. May mga nakasalamuha na akong mga bisaya na masasamang tao, tulad din na may nakasalamuha na akong ilocano, tagalog, Amerikano na masasamang tao. Pero may mga kilala din akong mga bisaya na napaka bait at matulungin sa kapwa. Ang ibig ko lang sabihin, hindi dapat gawing basehan ang tono ng pananalita kung mabuti o masamang tao ba yan.
Bigyan natin ng chance ang ibang tao na umangat. Kaysa naman na tayo pa mismo ang humihila sakanila pababa. Kapag dumating ang araw at sila ay nasa taas na, baka maisipan din nila na hilahin naman tayo pataas.
Ganun dapat tayo, nagtutulungan. Kasi kung hindi tayo magtutulungan, eh sino pa ang tutulong satin? Eh pare-pareho lang tayong Pilipino dito.
Mga kaibigan, wag natin sayangin ang talino natin sa away. Napakaraming bagay sa mundo ang dapat ayusin. At kailangan natin ang isa’t-isa upang malutas ito. Para naman pag tayo ay lumipas na sa mundong ito ay mayroon tayong maiwan na mundong maayos at matiwasay sa mga susunod pa sa atin.
Maraming salamat sa pag basa at mabuhay!