Ano ang dayalek? – Ang dayalek o dialect ay isang barayiti ng wika na tumutukoy sa mga salita at paraan ng pananalita ng mga tao ayon sa kanilang lokasyong heograpikal.
Sa Pilipinas, dahil pulo-pulo ang pagkakahati ng mga lugar, nabuo ang iba’t ibang wikang lokal at diyalekto. Impluwensiya ng dayalek ang kinaroroonan ng bayan o lalawigan, ang uri ng pamumuhay, maging ang mga pinaniniwalaan at tradisyon, tulad ng relihiyon.
Tatlong uri ng dayalek
Ayon sa manunulat na si Curtis McFarland, isa sa mga may-akad ng Diksyunaryong Monolingwal sa Filipino, nahahati raw sa tatlong uri ang dayalek—dayalek na sosyal, diskretong dayalek, at dayalektikal na baryasyon.
1. Dayalek na sosyal
Kahit nasa iisang lugar daw ang mga tao at mayroong wika o diyalektong kinalakihan, nagkakaroon pa rin daw ng pagkakaiba sa ginagamit na wika ang mga tao ayon sa katayuan sa lipunan o trabaho nito. Para bang nagkakaroon ng antas ang isang salita ayon sa kalagayan sa buhay.
Halimbawa:
Sa wikang Tagalog ang salitang kotse ay may iba’t ibang katawagan:
- kotse
- oto
- tsekot
2. Diskretong dayalek
Ito ay sumasalamin sa direktang pagkakaiba ng mga diyalekto o wika mula sa iba’t ibang mga lugar. Nakaaapekto na sa uring ito ang lokasyon o heograpiya ng isang lugar. Sa bansa, madaling malalaman ang pagkakaiba ng mga wika dahil laganap ito sa maraming lugar sa Pilipinas.
Halimbawa:
Ang salitang langgam ay may ibang kahulugan sa wikang Tagalog at Cebuano
Tagalog: langgam – uri ng insektong may anim na paa
Cebuano: langgam – ibon
3. Dayalektikal na baryasyon
May mga lugar sa Pilipinas na kahit magkaiba ng lugar ay pareho naman ng wikang binibigkas ngunit nagkakaiba sa paraan ng pagbigkas. Ito ang ikatlong uri ng dayalek na tinatawag na diyalektikal na baryasyon. Naiiba ang aksent, punto, o tono ng pagbigkas ng salita kahit pareho naman ang wikang sinasalita.
Halimbawa:
Ang mga naninirahan sa Quezon Province, Batangas, at Bulacan ay pare-parehong gumagamit ng salitang Tagalog. Nagkakaiba lamang sila sa aksent o punto. Ang mga taga Quezon ay gumagamit ng ‘baga’ sa kanilang Tagalog, habang ang mga Batangueñno naman ay may matigas na pagbigkas at diin sa mga salita. Ang mga Bulakenyo naman ay mayroong malumanay na pagsasalita ng wikang Tagalog.
Maraming salamat sa pag basa ng aming post tungkol sa Dayalek. Sana ay may natutunan po kayo! Marami pang iba’t-ibang halimbawa ng mga Barayti ng Wika na matatagpuan dito sa Wika101.PH. Masaya kami at naging parte kami sa inyong paglalakbay-kaalaman upang mas maunawaan ang ating napakayaman na wikang tagalog. 🙂