Katangian Ng Wika

Kahulugan – Ginagamit ang wika bilang isang mabisang paraan ng pakikipag-usap sa kapuwa. Isa itong paraan ng komunikasyong karaniwang taglay ng mga tao sa isang lugar. Bahagi ito ng kultura at pamumuhay ng mga mamamayan.

At tulad ng ibang bahagi ng daigdig, ang wika ay mayroon ding mga katangian. Ang mga katangiang ito ay mahalagang malaman dahil sumasalamin ito sa kung gaano kayaman ang wika. Sa pag-alam din ng katangian, mas mauunawaan ang gamit nito, kung paano nabubuo ang mga pangungusap gamit ang wika, kung paano ito sumasailalim sa pagbabago, at paano bibigyan ng pakahulugan ang bawat salita.

Mga Katangian Ng Wika

Ang sumusunod ay ang mga katangian ng wika. Sa pag-aaral ng mga ito, malalaman na ang wika ay nabuo sa sistematikong pamamaraan at patuloy na umuunlad sa paglipas ng mga panahon.

1.) Ang wika ay mayroong sistemang balangkas

Nagiging mabisa ang komunikasyon at pag-uusap dahil sa sistematikong pamamaraan ng pagsasaayos ng mga titik at salita. Mayroong sinusunod na pamantayan o mga hakbang upang makabuo ng mga salitang gagamitin. Kapag nakabuo ng mg salita, maaari na itong ayusin bilang parirala, pangungusap, o talata.

Halimbawa:

  • O J E S I R Z A L
    Maaaring buuin bilang JOSE RIZAL ayon sa mga titik
  • Maganda Marian artista paborito
    Maaaring makabuo ng pangungusap na “Maganda ang paborito kong artista na si Marian.”

2.) Ang wika lalo na kung pasalita, ay mayroong tunog

Maliban sa pasulat na paraan, ang wika ay sinasalita rin. At kapag sinasalita, mayroong tunog na nabubuo. Sa pamamagitan ng pagbuo ng tunog, nalalaman ang emosyon at kahulugan ng salita. Sa intonasyon nababatid ang dagdag na kahulugan ng tao sa isang salita.

Ang tunog ay nalilikha sa pamamagitan ng ating baga na naglalabas ng hangin at dumaraan sa voice box (artikulador) at pagkatapos ay sa ilong at bibig kung saan ito binabago para sa emosyon (resonador).

Halimbawa:

  • Saan ka pupunta? (maaaring lagyan ng emosyon o tunog na malambig o pagalit)
  • Oh kumusta ka na? (maaaring lagyan ng emosyon o tunog na malambig o pagalit)
  • Huh? (kahit walang direktang kahulugan ang salitang ito, maaari itong mabigyan ng kahulugan ayon sa tunog na nilikha

3.) Ang wika ay arbitraryo

Sumsalamin ang wika sa pagkakasundo ng mga tao sa ilang lugar. Napagkakasunduan ng mga mamamayan ang pangunahing wikang gagamitin nila. Saklaw nito ang mga salitang gagamitin sa kanilang kabuhayan, edukasyon, pagkain, at pagpapalaganap ng kultura at tradisyon. Indikasyon din na kung hindi nauunawaan ng isang tao ang wikang sinasalita ng mga tao sa isang lugar ay hindi siya bahagi ng kanilang pamayanan at isa lamang itong dayuhan. Gayunman, kung mamamalagi ito sa lugar na iyon, ay imposibleng hindi niya malaman at matutuhan ang wika. Dahil magiging bahagi na rin ng kaniyang buhay ang pananalita, ay mababatid niya rin ang paggamit nito.

Halimbawa:

  • Bahay – Kapag mula sa pamayanang Tagalog
  • Balay – Kung mula sa pamayanang Bisaya
  • Bay – Kung mula sa pamayanan ng mga Tausug
  • Casa – Kung Chavacano naman ang sinasalitang wika

4.) Ang wika ay buhay at dinamiko

Dahil pagbabago lamang ang permanenteng bagay sa daigdig, maging ang wika ay nakararanas ng pagbabago. Sa paglipas ng panahon at mga henerasyon, nabibigyang daan nito ang pag-unlad at pagbabago ng wika. Isang patunay nito ang konsepto ng makaluma at makabagong pag-uusap. Sa kulturang Pilipino, mas matalinghaga at mas kagalang-galang pakinggan ang makaluma o tradisyonal na uri ng pagsasalita. Sa pag-unlad ng teknolohiya, unti-unting naging makabago ang paraan ng pakikipag-usap na tinatawag na komunikasyon sa kontemporaryong panahon. Bunga nito ang pagbabago ng kahulugan ng isang salita. Mas lumalawak ang bokabularyo ng mga tao dahil sa mga bagong ideyang nabubuksan at natutuklasan sa pagbabago ng henerasyon.

Halimbawa:

Mabisang paraan upang malaman ang pagbabago ng wika sa mga salitang ginagamit sa teknolohiya.

SALITA Lumang Kahulugan Bagong Kahulugan
Mouse daga Device na ginagamit sa pagpapagalaw ng kursor ng kompiyuter
Tablet Tableta, uri ng gamot Isang mobile device na karaniwang mas malaki sa cellphone
Wall Dingding; bakod Bahagi ng social media account kung saan maaaring mag-post ang mga kaibigan
Windows Mga bintana Isang uri ng operating system ng mga kompiyuter
Load Pasanin Inilalagay sa isang cellphone upang makapagpadala ng mensahe at makagawa o makakuha ng datos

5.) Ang wika ay nanghihiram

Dahil ginagamit ang wika sa komunikasyon, hindi maiiwasang magkaroon ng palitan o hiraman ng mga salita. Mayroong mga salitang walang katumbas sa wika ng isang bansa o pamayanan, kaya naman ang nagiging solusyon dito ay ang panghihiram. Likas namang katangian ito ng lahat ng wika. Ito rin ang dahilan kung bakit ang wika ay dinamiko at umuunlad. Sa panghihiram din mas nagiging bukas sa pagtuklas ng kultura at tradisyon ang isang mamamayan o nasyon.

Ang wikang Filipino ay salamin ng wikang nanghihiram. Magkakahalo ang mga salitang Kastila, English, Arabe, at iba pang Austronesian na salita. Siyempre kabilang dito ang mga likas na wika tulad ng Tagalog, Waray, at ibang lokal na wika.

Halimbawa:

  • Wikang Italian: Spaghetti
    Wikang Filipino: Ispageti
  • Wikang English: Computer
    Wikang Filipino: Kompiyuter
  • Wikang Kastila: Cuarto
    Wikang Filipino: Kuwarto
  • Wikang Chinese: Siumai/ siu mai
    Wikang Filipino: Siomai

6.) Ang wika ay kaakibat at salamin ng kultura

Ginagamit din ang wika sa pagpapaunlad ng kultura ng isang bansa o pamayanan. Sa pamamagitan ng wika ay mababatid ang makulay na kultura, tradisyon, at pamumuhay ng mga tao. Sa katunayan, para sa mga dayuhan sa isang bayan, ang mga salitang may kaugnayan sa mga pista, pagdiriwang, pagkain, at iba pang mahahalagang kagamitan ang nagsisilbing tanda nila sa isang lugar. Iniuugnay nila ang mga salita sa kultura sa mga tao at lugar para manatili ito sa kanilang isip, na kalaunan ay tuluyang nagiging pagkakakilanlan ng nito para sa nakararami.

Halimbawa:

  • Ang salitang VINTA ay naiuugnay sa Zamboanga City
  • Ang PANAGBENGA FESTIVAL ay naging tanyag sa buong Pilipinas kahit hindi naman lahat ay nagsasalita ng wikang Kankanaey.
  • Ang BALUT at ADOBO ay nagsisilbing pagkakakilanlan ng Pilipinas sa buong mundo lalo na sa mga dayuhang dumarayo sa bansa.
  • Alam nating ang PANSIT, LUMPIA, SIOPAO, at TOKWA ay mula sa kulturang Chinese kahit na bahagi na ito ng kulinarya ng Pilipinas.

7.) Ang bawat wika ay naisusulat

Kung naisasalita ang wika, kailangan ay naisusulat din ito. Kadikit ng mabisa at malinaw na anyo ng impormasyon ay ang katangian nitong maisulat at mabigkas. Hindi naman kasi maaaring lahat ng nangyayari ay pasalita lamang at tatandaan ng utak. Mas nagiging mahalaga ang isang pangyayari o kaganapan kung maidodokumento ito. Sa pagsusulat din ng mahahalagang ganap gamit ang wika, mas napapanatili nito ang saysay ng wika at salita mula sa isang bansa, bayan, o maliliit na yunit ng pamayanan.

8.) Ang wika ay makapangyarihan

Makapangyarihan ang salita at wika. Kung nagagamit ito sa pakikipag-usap sa kapuwa, kaya rin nitong tuligsain ang isang masamang gawi. Sa pamamagitan ng pasulat o pasalitang paraan ay maaaring maiparating ang pagsalungat sa hindi wastong pamamamahala o pagturing sa isang tao. Halimbawa nito ay ang mga ginagawang protesta ng mga militanteng grupo na hindi lamang umaasa sa mga isinisigaw nila, kung hindi mayroon pang bitbit na mga plaka at karatula. Ang iba naman ay sumsulat ng editoryal sa mga pahayagan o di kaya naman ay nagbubulalas ng kanilang mga komentaryo sa mga programa sa telebisyon o radyo.

Kahalagahan ng Wika

Ngunit bago dumako sa pagtuklas sa katangian ng wika, marapat lamang na malaman ang kahalagahan ng wika. Sa pag-alam ng kahalagahan nito, magkakaroon ng kabatiran na dapat pagyamanin ang wika upang manatili itong bahagi ng ating araw-araw na pamumuhay.

Narito ang tatlong dahilan kung bakit mahalaga ang wika:

  1. Ginagamit itong medium sa pakikipag-usap o komunikasyon. Pinakamabisang paraan ng pakikipag-usap ang paggamit ng mga salita o wika. Mas naipakikita nito ang emosyon at mas malinaw na naipapahayag ang saloobin.
  2. Sumasalamin sa kultura at sa henerasyon. Sinasabing ang wika ay yaman ng isang bansa. Sa paamagitan ng wika, nalalaman kung mula saan at paano nabubuhay ang isang nilalang. Sa wikang ginagamit din nababatid ang kinabibilangang henerasyon ng isang tao. Sa paglipas kasi ng panahon, nagbabago ang wika.
  3. Mabisang instrument sa pagpapalaganap ng kaalaman. Ang diwa ng buhay ay ang matuto ng mga bagay. At dahil sa wika, mas madali at mabisang naipalalaganap ang kaalaman sa mundo, pasalita man o pasulat.

3 Klasipikasyon Ng Kahalagahan Ng Wika

Maliban dito, sa pag-aaral na ginawa ng mga eksperto sa wika, mayroong tatlong klasipikasyon ang kahalagahan ng wika na nagpapakita rin ng magandang dulot ng mga katangian ng wika.

  1. Kahalagahang pansarili – ito ay tumutukoy sa kahalagahang indibidwal na pangunahing pakinabang ng wika. Sa pamamagitan ng wika ay nailalahad natin ang damdamin at mga saloobin sa mas malinaw at mabisang paraan. Nailalabas din natin ang mga nais nating ibahaging kaaalaman sa iba na mahalaga para sa pag-unlad.
  2. Kahalagahang panlipunan – Sa komunikasyon ay kailangan ng kausap, kaya naman ang wikang inilalabas natin na sakop ng kahalagahang pansarili ay natatanggap naman ng ating kapuwa na bahagi ng isang lipunan. Sa pamamagitan ng wika, nabubuo ng mga mamamayan ang isang mithiin para sa kanilang sarili, at maging para sa bayan. Sa pamamagitan din ng wika kaya napapaunlad ang kultura at tradisyon ng isang pamayanan.
  3. Kahalagahang pandaigdigan – Dito nababatid ang pagpapalitan ng mundo ng impormasyon. Magkakaiba man ang wika at kulturang kinamulatan, nagsisikap ang bawat isa na maiparating ang saloobin at ideya para sa iisang mithiin. Sa pamamagitan din ng komunikasyon ng mga bansa gamit ang wika, ay nabubuksan para sa lahat ang oportunidad upang paunlarin ang mga sarili maging ang isang bansa. Mabisa rin ito para sa ekonomiya ng mga bansa. Mahalaga ang komunikasyon para sa pagpapanatili ng maununlad na nasyon.