Napakaswerte Ko Sa Aking Mga Magulang (Wika Story)

Isang malaking karangalan ang maging anak ninyo. Dahil sainyo ay nakamit ko ang aking mga pangarap, dahil sainyo ay NAGKAROON ako ng pangarap. Kung wala kayo, wala din ako.

Maraming mga bagay pa sa buhay na ito ang hindi ko nagagawa, ngunit alam ko na kaya ko itong abutin kapag nandiyan kayo sa aking likod.

Hindi ninyo alam kung gaano kahalaga sa akin ng inyong suporta, kahit ang simpleng “kaya mo yan anak!” ay sapat na para magbigay ng lakas aking mga tuhod tuwing ako ay nawawalan ng pag-asa.

Sainyo ko natutunan na pwede ka magtagumpay kahit na wala kang tinatapakan. Kahit na hindi ka mandugas ng iyong kapwa, basta handa ka lang na magsikap ay mayroon kang aanihin.

Lumaki ako na napapalibutan ng mga taong mahilig mang gamit, yung mga taong pupunta lang sa bahay namin tapos akala mo kung sinong mga sikat na para bang buong linggo namin hinintay ang kanilang pag dating.

Ito yung mga tao na kaya lang umangat kapag nang gagamit sila ng ibang tao. Lahat gagawin para lang makaangat sa buhay. Pero… umaangat nga ang kanilang katayuan sa buhay pero ang kanila pagkatao at kaluluwa ay dahan-dahang lumulubog.

Maraming salamat sa aking mga magulang na kahit na wala palagi sa tabi namin ay hindi padin kami pinabayaan. Ang mga oras na inyong tiniis upang mabigyan lang kami ng magandang buhay.

Kahit kanino hindi ko kayo ipagpapalit. Kahit na minsan ay hindi tayo nagkakaintindihan, gusto ko humingi ng paumanhin, minsan ay talagang mabilis lang akong madala sa aking emosyon. Pero mahal na mahal ko kayo.

Sana dumating ang araw na makita ninyo kami na nagtagumpay na sa buhay, at sana masuklian din namin lahat ng sakripisyo ninyo sa amin.

Sinisiguro ko sainyo na magiging mabuting magulang din ako pag dating ng araw, para naman maipagpatuloy ko ang inyong legacy.