Ikinahihiya Ko Ang Aking Sariling Wika

Bata palang ako ay lumaki na ako sa paligid na baduy ang tingin sayo kapag hindi ka marunong mag-Ingles, lumaki ako na napapalibutan ng mga tao, lalong-lalo na sa eskwelahan na mas sikat ka kapag nag salita ka ng Ingles o kaya Taglish, pinag-aral ako ng magulang ko sa isang pribadong paaralan kung saan ang mga kaklase ko ay anak ng mga negosyante dito sa aming isla. Sanay sila na sa bahay nila ay Ingles ang kanilang salita.

Hindi pa sapat na marunong ka mag-Ingles, kundi kailangan may American accent ka din. Nagpatuloy ito hanggang nakapag tapos ako ng hayskul. Noon umalis na ako sa aming probinsya at nag-aral ng kolehiyo sa Maynila, doon ako nakakilala ng iba’t-ibang klase ng tao, may mga mahihirap, mayroon namang sakto lang, at mayroong mas mayaman pa kesa sa mga naging kaklase ko noong hayskul.

Dahil dito, lumawak ang aking mundo. Nagkaroon ako ng isang kaibigan na si Jen, si Jen ay galing sa pamilyang may kaya pero naiiba siya, dahil sa bahay nila, ayon sa kanya, bawal magsalita ng Ingles. Laking lola si Jen dahil palaging wala sa bansa ang kanyang magulang. Ang kanyang lola ay isang simpleng mamamayan lamang noong siya ay bata pa at napangasawa ang kanyang lolo na anak ng Mayor ng kanilang lalawigan.

Kaya naman hanggang sa tumanda ang lola ni Jen ay hindi siya nasanay sa mga galawang mayaman.

Dahil daw dito, kaya natuto si Jen na mag salita ng wikang Pilipino kahit saan siya magpunta. Sabi sakin ni Jen na hindi ko daw dapat ikahiya ang sarili nating salita. Dahil ito ang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa ating pagkatao bilang isang Pilipino.

Halos mangiyak-ngiyak ako noong sinabi saakin ni Jen yun. Naliwanagan talaga ako. Hanggang sa sinanay ko na ang aking sarili na magsalita ng sarili nating wika. At napakalaking pasasalamat ko talaga na ginawa ko iyon. Dahil ang dami kong nadiskubreng kaalaman ‘di lang sa wika natin kundi sa ating kultura pa mismo.

Ngayon, natuto na akong hindi manghusga ng mga tao na Tagalog lang ang salita, at hindi ko din hinuhusgahan ang mga tao na mahilig mag Taglish. Ginaya ko lang si Jen, tuwing may nagtatanong sa akin kung bakit diretcho ako magtagalog, sinasabi ko lang na dapat natin mahalin ang atin at preserbahan ang ating pagkatao.

Sa una tumatawa sila kasi akala nila nag-jojoke ako, pero pinapaliwanag ko sakanila ng maayos. At nauunawaan din nila ang side ko. 🙂

Paumanhin kung sutil ako noong bata pa ako. Matuto tayong mahalin ang sariling atin. Mabuhay!